Pumunta sa nilalaman

Clorinda Matto de Turner

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Clorinda Matto de Turner, manunulat na Peruvian

Si Grimanesa Martina Matto Usandivaras de Turner o mas kilala sa pangalang Clorinda Matto de Turner (Cuzco, Peru, Setyembre 11, 1854 – Buenos Aires, Argentina, Oktubre 25, 1909) ay isang tanyag na manunulat na mula sa Peru at tagapagpauna ng indigenismong dyanra. Isa siya sa mga nanguna sa nobelang Hispanoamerikana kasama nina Juana Manso, Mercedes Marín, Rosario Orrego, Gertrudis Gómez de Avellaneda, Julia López de Almeida, Juana Manuela Gorriti at Mercedes Cabello de Carbonera, bukod sa iba pa. Ang kanyang kalayaan at ang kanyang mapanghimagsik na mga akda na nagsimula ng kontrobersiya sa kanyang sariling kultura ay nagbigay inspirasyon sa mga kababaihan sa lahat ng dako.

Siya ay ipinanganak at lumaki sa Cuzco, Peru. Ang kanyang ama ay si Ramón Torres Mato at ang kanyang ina ay si Grimanesa Concepción Usandivaras. Nang namatay ang kanyang ina, siya ay nakilala bilang Azucena de los Andes (“Liryo ng Andes”) sa buong rehiyon. Si Matto de Turner ay bininyagan na Grimanesa Martina Mato, ngunit siya ay tinawag na Clorinda ng kanyang mga kaibigan at kapamilya. Siya ay orihinal na may iisang “T” sa kanyang huling pangalan, ngunit pagkatapos ng pag-aaral ng kultura ng Inca, dinagdagan niya ng isa pang “T” upang magkaroon ng bahid na Inca. Ginugol niya ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa kanilang lupain sa Paullo Chico, na malapit sa nayon ng Coya. Bilang tinedyer, pumasok siya sa paaralang kilala ngayon na Escuela Nacional de Educandas (Pambansang Sekondaryang Paaralan ng mga Kababaihan). Kumuha siya doon ng mga kurso na sa kultura nila ay para lamang sa mga lalaki. Nagpakadalubhasa siya sa Pilosopiya, Kasaysayan ng Kalikasan, at Pisika. Umalis siya sa paaraalan sa edad na labing-anim upang alagaan ang kanyang kapatid na lalaki at ama. Noong 1871, sa edad na 19, nakapag-asawa si Matto ng isang Ingles, si Dr. Turner na isang mayamang may-ari ng lupa. Di-nagtagal pagkatapos ng kanilang kasal ay lumipat sila sa Tinta, kung saan sila tumira ng sampung taon. Sa Tinta, naging mas malawak ang kamalayan ni Matto de Turner sa dalawang kasaysayan ng Peru: ang kolonyal at ang Inca. Naging pamilyar siya sa katutubong kultura, at habang mas marami siyang natututunan, lalo niya itong tinanggap. Karamihan sa kanyang mga akda ay hango sa kanyang natutunan sa pakikisalamuha sa kulturang ito. Nagtrabaho siya bilang mamamahayag sa lokal at banyagang pahayagan. Noong 1878, itinatag ni Matto de Turner ang El Recreo de Casco, isang magasin ng panitikan, agham, sining, at edukasyon. Siya ay nakilala sa kanyang mga gawaing pampanitikan na naglalarawan ng mga katutubo sa isang positibong anggulo, na taliwas sa pangunahing pananaw ng kanyang lipunan. Kahit siya ay mula sa ninunong puti, hindi siya sumang-ayon sa mapang-aping trato sa mga katutubo ng Peru, at ginamit niya ang kanyang mga akda upang magsalita para sa kanila. Ginamit din niya ito para sa kampanya niya sa mas maayos na edukasyon para sa mga kababaihan. Noong 1881, namatay ang kanyang asawa at naiwan ang bangkarotang ari-arian. Dahil nahirapan siyang makaahon sa sitwasyong pinansiyal sa Tinta, lumipat si Matto de Turner sa Arequipa kung saan nagtrabaho siya bilang punong patnugot ng pahayagang La Bolsa Americana. Habang naroon, siya ay naglathala ng dalawang volume ng “tradiciones cuzqueñas,” isa noong 1884 at isa noong 1886. Isinulat din niya ang dulang Himacc-Suacc (1884) at isinalin ang apat na Ebanghelyo sa Quechua, isang wikang ginagamit ng mga katutubo sa Peru. Bukod sa kanyang gawaing pampanitikan, nakisangkot din siya sa politika, at nangalap ng pera para sa pagbuo ng barkong pandigma na Almirante Grau. Si Matto de Turner ay tuluyang lumipat mula Tinta upang manirahan sa Lima, bagaman lagi niyang naiisip na mas ligtas manirahan sa labas ng Peru dahil sa kanyang politikal at kontrobersiyal na mga akda. Sa Lima, sumali siya sa iba’t ibang pampanitikang organisasyon at pahayagan. Noong 1887, si Matto de Turner ay naging tagapamahala ng El Ilustrado, kung saan inilathala niya ang marami sa kaniyang mga nobela. Naglathala siya ng tatlong nobela sa pagitan ng 1889 at 1895: Aves Sin Nido (Mga Ibong Walang Pugad), Indole (Katamaran), at Herencia (Pagmamana). Ang mga nobelang ito ay tumalakay sa mga katutubong mamamayan na nahuhubaran ng karapatang sibil, ang pang-uusig ng komunidad, at mga palalong pari. Ang kanyang pinakasikat na nobela ay ang Mga Ibong Walang Pugad (1889). Isa itong kontrobersiyal na nobela sapagkat tungkol ito sa pag-iibigan ng isang puting lalaki at isang katutubong babae, na itinuturing na kahihiyan sa lipunang Latin America, at dahil tungkol din ito sa imoralidad ng mga pari sa panahong iyon. Sa nobela, hindi maaaring magpakasal ang dalawang tauhan sapagkat nalaman nilang sila ay magkapatid sa ama na isang pari. Hindi lamang ang Mga Ibong Walang Pugad ang kontrobersiyal na nobela ni Matto de Turner. Inilathala din niya sa kanyang pahayagan na El Peru Illustrado ang kontrobersiyal na kwento na isinulat ng manunulat na Brazilian na si Henrique Coelho Neto. Dahil sa mga kontrobersiyang ito, siya ay itiniwalag ng Arsobispo ng Simbahang Katoliko. Noong 1895, pinilit ni Nicolás de Piérola, ang diktador ng Peru, na umalis si Matto de Turner sa bansa. Ang kanyang bahay ay sinunog at ang kanyang limbagan ay winasak. Lumipat siya sa Buenos Aires, Argentina, kung saan ipinagpatuloy niya ang kanyang mga gawaing pampanitikan. Noong 1900, isinulat niya ang Boreales, Miniaturas y Porcelanas (Mga Taga Hilaga, Miniyatura, at Porselana), isang koleksiyon ng mga sanaysay na naglalaman ng “Narraciones históricas (Makasaysayang salaysay),” at mahalagang kontribusyon sa historyograpiya na nagpapakita ng kanyang malalim na kalungkutan sa pagpapalayas sa kanya sa Peru at ang kanyang pananabik na bumalik. Sa Buenos Aires itinatag ni Matto de Turner ang Bucaro Americano; nagbigay din siya ng maraming pampublikong lektura at nagsulat ng maraming artikulo para sa pahayagan. Ginugol niya ang karamihan sa kanyang panahon sa pagtuturo sa lokal na unibersidad bilang propesor. Noong 1908, bumisita siya sa Europa sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay at tiniyak niyang maingat na itala ito sa aklat na Viaje de Recreo (Paglalakbay sa Libangan). Ang aklat ay nalathala sa mga pahayagan nang mamatay siya noong 1909. Pagkamatay ni Matto de Turner, ang kanyang alaala ay nalimot dahil sa mga lalaking kritiko tulad nina Riva- Agüero at Mariátegui na binalewala ang kanyang mga kontribusyon at itinuring na mababang uri ang kanyang mga akda. Ngunit sa kalagitnaan ng ikadalawampu’t siglo, nagsimulang pag-aralan ng mga kritikong peminista ang kanyang mga akda at sa mga huling dekada ng siglong iyon, siya ay pinag-aralan sa mga departamento ng literatura sa unibersidad ng Peru, Argentina, Inglatera at Estados Unidos.

Mga pangunahing akda

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Perú: Tradiciones cuzqueñas. Arequipa: "La Bolsa", 1884.

(Peru: Mga Tradisyon ng Cuzco)

Ito ay tungkol sa mga tradisyon, alamat, talambuhay at Suelatas sa Peru. Sa ikaapat na edisyon nito, ito ay nahati sa dalawang volume. Ang unang bahagi ay naglalaman ng mga tradisyon na nabanggit na sa naunang mga edisyon na may kanya-kanyang prologo at tala: Don Ricardo Palma (1884), Julio F. Sandoval (1884) at Dr. Jose Gabriel Cossio (1917). Ang ikalawang bahagi ay binubuo ng mga pinagsamang mga aspeto ng gawaing ito tulad ng mga alamat, talambuhay, at suelatas. Kabilang dito ang tala ni Manuel Rafael Valdivia at ni Don Abelardo Gamarra.

Tradiciones cuzqueñas. 2 vols. Lima: Torres Aguirre, 1886.

(Mga Tradisyon ng Cuzco)

Leyendas y recortes. Lima: "La Equitativa", 1893.

(Alamat at Sugat)

  • Kathambuhay/Nobela

Aves sin nido. Lima: Imprenta del Universo de Carlos Prince, 1889.

(Mga Ibong Walang Pugad)

Ang Mga Ibong Walang Pugad ni Clorinda Matto de Turner na isinulat noong 1889, ay isang pagtatangka na makagawa ng isang pampulitikang pahayag tungkol sa hindi makataong trato sa mga katutubo ng Peru at ang epekto nito sa progreso ng bansa. Sinuri sa nobelang ito ang kalagayan ng mga Andean at ang mga pang-aabusong naranasan nila noong huling bahagi ng ikalabinsiyam na siglo sa Peru. Bilang kasapi sa kilusang indigenismo, nais niyang mabigyan ng halaga sa kasaysayan ng Peru ang pamanang Andean. Ang kaugnayan ni Matto de turner sa mga Andean ay isang kontradiksiyon, dahil ang intensiyon niyang lumikha ng larawan ng nagkakasundong mga Andean ay naging rasistang larawan. Nababahala siya sa mga pang-aabuso na tinamasa ng mga Andean sa buong kasaysayan ng Peru, pero bilang isang lahi, siya ay nagpinta ng ambivalent na larawan. Ipinakita niya sa kanyang mga aklat na ang mga tauhang Andean ay palakaibigan, walang muwang, pasibo at pinagsasamantalahan, na gumagawa ayon sa emosyon at hindi gaanong pinag-iisipan. Sa nobela, sina Fernando at Lucia Martin ay mga elitistang intelektuwal, mahabagin sa mga Andean at mga mabubuting tauhan subalit mayroon paring rasistang saloobin. Ang mga tauhang Andean naman na sina Margarita at Rosalia ay plat ang karakter, dahil hindi nagbago mula umpisa hanggang sa wakas at parang hindi sila bahagi ng kwento. Nalalaman at nakikita lamang ng mambabasa ang kanilang nararamdaman ngunit hindi ang kanilang mga iniisip. Ang papel ng mga katutubong bida ay pagdurusa. Wala silang tahanan at ang mga lalaki ay emosyonal tulad ng mga babae. Sila ay nagtiis sa kalagayan nila sa lipunan. Ang di-kanaisnais na paglalarawan ni Matto de Turner sa mga katutubo ay isinama sa isang kwento na dapat na isang panlipunang pagsusuri ng mga pang-aabuso sa mga katutubo ngunit sumalamin ito ng isang salungat na kwento. Sa kanyang aklat, ang mga pang-aabuso ng Simbahang Katoliko sa mga katutubo ay malinaw na nailarawan. Kaya siya ay itiniwalag sa simbahan. Sa kwento, inilarawan niya ang paring si Pascual na pinakamasama sa lahat ng tauhan. Isa siyang babaero, mapang-api sa mga katutubo, matakaw, at sakim. Si Padre Pascual ay kumatawan sa Simbahang Katoliko na mapang-abuso at walang malasakit. Sina Don Fernando at Lucio Marin, Petronila, Gaspar at Manuel ay mga tauhang Espanyol na kumakatawan sa elitistang intelektwal at sila ang pinakasibilisadong tauhan sa kwento. Ang Lima naman na kabisera ng Peru ang kumakatawan sa sibilisadong bahagi ng lipunan at kaunlaran. Ang mga tauhang ito ay alam ang tama at mali, at tumutugon ng wasto sa mga aksiyong ng kawalang katarungan. Sa kabilang dako, sina Padre Pascual, Escobedo, Colonel Benitz at Sebastian (ang alkalde) ang mga tauhan na masama at ganid sa kapangyarihan. Sila din ay kulang sa pinag-aralan. Bilang patunay, si Sebastian na alkalde ay nag-aral lamang ng tatlong taon sa paaralan. Ang mga tagalabas na nanirahan sa kanayunan ay mahalaga sapagkat kumakatawan sila sa pinakamahusay at pinakamalala sa lipunang Peruvian Hispanic. Kasabay nito, ang Andeans ay naroon bilang lahi na hiwalay sa lahing Espanyol na hindi maaaring maging bahagi ng lipunan. Ang aklat na ito ay kapaki-pakinabang dahil ito ay isang halimbawa ng panlipunang pagsusuri sa panitikan noong ikalabinsiyam na siglo at tumutulong ito upang maipakita kung paano ang buhay sa panahong iyon sa Peru, kahit ang aklat na ito ay hindi gaanong maganda ang pagkakasulat at nagpapakita ito ng may pagkiling na pananaw ng awtor. Nakatulong din ito upang mailahad ang mga saloobin at damdamin ng awtor. Ito man ay interpretasyon lamang ng isang tao, maaari itong gamitin upang maunawaan kung paanong magisip ang tulad ni Matto de Turner sa panahong ito. Ang paraan ng pagpapahayag niya sa mga tauhan, kahit sila ay plat, ay nagpapakita ng malinaw na larawan ng kung ano ang tama at mali para sa kanya. Hindi man ito maisama bilang kanon dahil sa hindi magandang pagkakasulat nito, nakatulong naman ito upang ipahayag ang mensahe na dapat na magkaroon ng mga pinunong galling sa elitistang intelektuwal upang matulungan ang mga katutubo at alisin ang pang-aabuso. Bilang isang indigenismo, nais niyang kilalanin ng lipunang Hispanic ang mga katutubo bilang bahagi ng lipunan at wakasan ang korupsiyon kahit pa maipahayag ito sa pamamagitan ng rasismong paglalarawan ng indigenismo. Ang aklat na ito ay bahagi ng simula ng isang mahabang kilusan sa panlipunang paggising. Ang kilusang ito ay tungkol sa mga pang-aabuso ng isang lahi sa iba pang lahi. Para kay Matto de Turner, and edukasyon ang tanging paraan ng pagkatuto sapagkat kahit lumaya man ang mga katutubo sa pang-aabuso, hindi parin nila makikita ang kahalagahan nito at hindi nila sasamantalahin ito upang mapabuti ang kanilang sarili at kalagayan.

Indole. Lima: Imprenta Bacigalupi, 1891.

(Katamaran)

Ang ikalawang nobela ni Clorinda Matto de Turner ay ang Katamara na nalathala sa Lima noong 1891, dalawang taon makalipas mailathala ang Mga Ibong Walang Pugad na gumulat sa mga Peruvian dahil sa kritisismo nito sa simbahan at korupsiyon sa lipunan. Tulad ng Mga Ibong Walang Pugad, ipinakita sa Katamaran ang pampulitikang debate sa liberal na repormistang antiklerikal ng huling dekada ng ikalabinsiyam na siglo, at ang pook na pinangyarihan ng kwento ay sa isang maliit na nayon na napapaligiran ng mga haciendas. Subalit sa Katamaran, ang bayan ay matatag at masaya, at nagkakaisa ang mga katutubo, mestizo at may-ari ng lupain sa magandang lambak ng Andean. Ang kanyang ambisyon na maitala ang hitsura at pag-uugali ng mga tao nang detalyado, at ang kanyang masusing pagsisiyasat sa dinamika ng kasarian, lahi at klase, ay nagdulot ng malinaw na pagsusuri sa buhay sa maliit na bayan noong 1858, na kumpleta sa isang batalyon ng hukbo upang muling kunin ang Arequipa para kay Ramon Castilla, na naglagay sa kathang isip na bayan ng Rosalina sa isang makasaysayang pambansang balangkas.

Herencia. Lima: Imprenta Bacigalupi, 1893.

(Pagmamana)

Ang Pagmamana (1895) na itinakda sa lunsod ng Lima sa mga huling dekada ng ikalabinsiyam na siglo, ang ikatlong kontrobersiyal na nobela ni Clorinda Matto de Turner. Ito ay isang pagsusuri sa klase at kasarian sa Lima, sa pamamagitan ng pagtatagpi-tagpi sa kwento ng buhay ng anim na babae, malalaman ng mambabasa kung ano ang iniisip ni Matto de Turner sa lipunan ng Lima noong huling bahagi ng 1880s, ang lipunan sa mga pangunahing pagbabago. Pagkatapos ng mapangwasak na Digmaan ng Pasipiko (1879-83), ang mga naghaharing klase ng Peru ay nagsusumikap na mabawi at panatilihin ang kanilang sosyal at pampulitkang kapangyarihan, ngunit sila ay hinamon ng maraming mga pangyayari. Ang pagbaha ng mga modernong ideya at komersyal na mga produkto, pati na rin ang mga bagong imigrante, sapilitang pagbabago, at ang mabilis na pag-unlad ng Lima, sa kabila ng pagtutol. Sa mundo ng mga bagong malalaking bilihan, pang-ekonomiyang mga posibilidad, mga tren, makinang pantahi, at mga modernong ugali, ang mga tauhan sa nobela ni Matto de Turner ay nagpumilit na ilarawan ang kanilang buhay habang sila ay nagtatagumpay o nabibigo sa lipunang nagbabago. Si Matto ay nabighani sa bagong agham ng eugenics at ebolusyon, at ang mga pangunahing isyu ng nobela ay may kaugnay sa hindi nalutas na debate tungkol sa kahalagahan ng Kalikasan (lahi, byolohikong pamana) kumpara sa Pag-aalaga (edukasyon, kapiligiran). Itinuring na kagulat-gulat at pornograpiya sa panahong iyon, dahil sa paglalarawan nito sa sekswalidad ng kababaihan, ang Pagmamana ay nanatiling malinaw na pagsusuri sa mataas, burgis, at mababang klase ng babae sa Lima sa panahong ng walang kaparehang dramatikong pagbabago sa lipunan.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

[1] [2] [3] [4] [5] [6] [7] [8] [9] [10] [11] [12] [13] [14] [15] [16] [17]

  1. Robinson, Jordan. Birds without a Nest: A Critical Review. https://medium.com/@jordanarobison/birds-without-a-nest-a-critical-review-82ecc38fcf22[patay na link]
  2. Campbell, Margaret V., The “Tradiciones Cuzquenas” of Clorinda Matto De Turner. Index of Volume 42 1959</nowiki> Chasteen, Charles John. "Born in Blood & Fire", p165,166
  3. Berg, Mary G. "Clorinda Matto de Turner". Spanish-American Women Writers. Ed. Diane E. Marting. Westport: Greenwood Press, 1990, pp. 303–315.
  4. Berg, Mary G. "Writing for her Life: The Essays of Clorinda Matto de Turner", in Reinterpreting the Spanish American Essay: Women Writers of the 19th and 20th Centuries. Ed. Doris Meyer. Austin: University of Texas Press, 1995.
  5. Castagnaro, R. Anthony. The Early Spanish American Novel. New York: Las Américas, 1971; "The Indianist Novels", pp. 139–157.
  6. Cornejo Polar, Antonio. "Foreword". Torn from the Nest. New York: Oxford University Press, 1998: xiii-xlii.
  7. Davies, Catherine. "Spanish-American Interiors: Spatial Metaphors, Gender and Modernity". Romance Studies 22.1 (Mar 2004): 27-39.
  8. Fox-Lockert, Lucía. "Clorinda Matto de Turner: Aves sin nido (1889)". Women Novelists in Spain and Spanish America. Metuchen, N.J: The Scarecrow Press, 1979.
  9. González Pérez, Aníbal. "Novel and Journalism: Strategic Interchanges". Eds. Mario J. Valdés & Djelal Kadir. Literary Cultures of Latin America: A Comparative History. 3 Vols. Vol 2: Institutional Modes and Cultural Modalities. Oxford: Oxford University Press, 2004: II: 278-288.
  10. Higgins, James. A History of Peruvian Literature. Liverpool: Francis Carnes, 1987, pp. 74–79.
  11. Kristal, Efraín. "Clorinda Matto de Turner". Latin American Writers. Vol. I. Ed. Solé/Abreu. NY: Charles Scribner's Sons, 1989: pp. 305–309.
  12. Kristal, Efraín. The Andes Viewed from the City. New York: Peter Lang, 1987.
  13. Lindstrom, Naomi. "Foreword". Birds Without a Nest. By Clorinda Matto de Turner. Austin: University of Texas Press, 1996: vi-xxi.
  14. Lindstrom, Naomi. Early Spanish American Narrative. Austin: University of Texas Press, 2004; sobre Matto de Turner, 170-174.
  15. Prieto, René. "The Literature of Indigenismo". The Cambridge History of Latin American Literature. Ed. Roberto González Echevarría and Enrique Pupo-Walker. Cambridge: Cambridge University Press, 1996.
  16. Ward, Thomas. “The Royal Commentaries as a Kaleidoscopic National Archetype: The Pursuit of Post-Colonial Identities in Peru.” Review: Literature and Arts of the Americas, Issue 79, Vol. 42.2 (Fall 2009): 185-194.
  17. Ward, Thomas. Clorinda Matto de Turner.http://evergreen.loyola.edu/tward/www/Mujeres/Matto/bio.htm